Ang Makata sa Katauhan ni Aldrin Pentero

Sa mga panahon na maraming agam-agam at pangamba, tula ang minsang nagiging sandigan. Masarap man itong basahin at pakinggan, hindi ito madaling pag-aralan. Gaya ng ibang sumubok sa pagtula at palilimbag ng koleksyon sa kalaunan, sumunod din sa pormula si Aldrin Pentero, may-akda ng Kalahati at Hindi Ito Laro. Hindi rin naiiba ang kanyang karanasan sa pagtula dahil humugot din siya sa ilang tema at inspirasyon.

“Para sa Hindi Ito Laro, ito kasi ang mga unang tulang naisulat ko noong nagsisimula pa lang akong sumubok sa pagtula, kumiling lang ako sa ilang tema na nadagdagan nang nadagdagan. Sa kabuoan masasabi ko na kinakatawan nga nito ang pagsisimula ko at pagkatuto sa mga aralin, anyo, at panuntunan sa pagtula pati na rin ang pagsubok na lumabag o lumabas sa mga ito,” aniya.

Aldin Pentero

Dagdag pa ni Aldrin,

“Pagdating naman sa Kalahati zine, narahuyo talaga ako sa konsepto nang hindi kabuoan. Mula sa literal na pakahulugan hanggang sa mga damdamin at iba pang pagtingin sa kung paanong maging baha-bahagi ang mga bagay-bagay.”

Walang itulak-kabigin ding ibinahagi ni Aldrin ang naging komento ng isang panelist sa IYAS Workshop patungkol sa tinatawag na “writing influences”.

“Ang unang  libro daw ng makata ay panggagaya sa boses at estilo ng mga binabasa at inaaral niya. Masasabi kong totoo ito at hindi naman talaga masama. Siguro ay makikita nga ito sa Hindi Ito Laro, ang impluwensiya ng mga makatang nabasa, naging guro, panelist, o kahit mga makata sa Ingles na binabasa ko noon.”

Gayunpaman, kinailangan din ni Aldrin na lumabas sa kinaugaliang estilo at tradisyon ng pagtula. Sumubok siya sa pananalinghaga, sa paggamit ng simpleng mga salita, pagtatangkang magpagaan ng mga paksa, paglalatag ng sarili, at ibang pagtanaw sa mga bagay. Tunay ngang may pagkatuto sa pagsusulat at paghahayag ng damdamin. Isa na rito ang pagbasag sa kumbensyon ngunit sa paraang mahihinuha pa rin ang tema sa kabila ng lalim ng mga salita o “hugot”.

Importante rin para kay Aldrin na tuklasin mismo ng mambabasa ang mensaheng nakapaloob sa bawat tula, hindi lamang para sa isang mental exercise kundi para na rin sa pagtuklas ng iba pang makata at akda.

“Kailangan itong mabasa ng iba dahil kailangan nilang magbasa. Kailangan nating lahat na mas magbasa pa. At kailangan nating  magbasa pa ng maraming tula at aklat ng mga tula. Nais ko lang sigurong ihanay sa mga puwedeng pagpilian ang mga akdang ito,” pagbabahagi niya.

Walang duda na maihahanay sa sikat na akdang pampanitikan ang Hindi Ito Laro at Kalahati. Mas lalong walang dudang maraming nagsisimulang makata ang susunod sa yapak ni Aldrin Pentero at tatahakin ang daan patungong pagtuklas, pagkatuto, at pagkalas sa nakasanayang estilo.

*Mabibili ang Hindi Ito Laro at Kalahati sa 8letters Bookstore.

Similar Posts

Leave a Reply

Your email address will not be published.