Aldrin Pentero
Isinilang siya at lumaki si Aldrin Pentero sa Barrio Magdaragat na kinilala rin bilang Smokey Mountain o bundok ng basura sa Tondo, Maynila. Sandali siyang nagpakupkop at naging anak ng Pasig habang nagtatrabaho sa Eastwood City, Libis at kasalukuyan naman ngayong naninirahan na sa lungsod ng Baguio sa Cordillera bilang resulta ng pandemya.
Naglingkod siya bilang pangulo ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), ang pinakamatandang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino mula 2015 hanggang 2021. Naging fellow siya ng IYAS at Iligan National Writers Workshop. Itinanghal siyang Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 2017. At naging kinatawan siya ng bansa sa Young Writers Forum na bahagi ng The First Forum of Asian Writers na ginanap sa Nur Sultan, Kazakhstan noong 2019. Kasalukuyan siyang opisyal ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) at Filipinas Copyright Licensing Society, Inc. (FILCOLS).