SUÓNG! Mga Aporismo ng Paglusong at Pagsulong ni Gerome Nicolas Dela Peña (An Excerpt)
- Maglayag ka sa pinakamalalayong dagat ng inyong pangarap. Walang dakilang bagay ang mahahanap sa pampang na iyong kinasanayan.
- Pagdating ng panahon, masasabi mo rin sa kaniya: “Ako pa rin ito, mas pinatibay lang ng iyong paglayo.”
- Nakikinig pa rin ako sa musika, sa himig ng iyong nag-aalab na mga mata — sa tinig ng tunay na pag-ibig na magkasama nating nadama.
- Minsan, ang kailangan lang ng kaluluwa ay pahinga. Kung pagod ang katawan, higit pa rin ang diwa. #sweetdreams
- Laging may hanggahan ang pagtitiwala. Pag-ibig pa kaya.
About the Book
Lagi namang kapos ang kakayahan ng salita. Kulang. Kahit pa minsan sa ating pakiramdam, ang daldal-daldal na natin ay hindi pa rin natin masabi-sabi ang tunay na laman ng dibdib. Naiipon lamang nang naiipon hanggang sa sumabog itong tulad ng isang bulkan; na marahil kung di tayo makasakit, tayo ang tuluyang masaktan.
Kaya naman, pipiliin natin ang landas ng pagtitimpi. Sa kilos, sa isip, at sa salita. Kukulungin natin sa iilang kataga ang ubod ng ating layon at mensahe. Maingat na maingat na bulong. Na baka naman, hindi naman kasi natin kailangan laging sumigaw upang marinig. May mahikang bitbit ang wikang batid kung kailan mananahimik, at higit sa lahat, malay kung handa na itong makipaglaban alang-alang sa kung anomang nararapat pag-alayan ng oras at panahon… o kung minsan pa nga, ng buhay at pangarap.
* Nagmula lamang bilang ideya ng mga simpleng tweet, ang koleksiyong ito ng limandaang aporismo hinggil sa pag-ibig, buhay, edukasyon, lipunan, at iba pa ay munting paalala at tapik sa balikat na ano’t anoman ang ating landas na pinili/pipiliin, laging may kasama tayong sumuong sa bawat hamon—lumusong at sumulong kahit pa gaano kaimposible at kahirap. Laging para sa wika, sining, panitikan, Diyos, at bayan!