Gerome Nicolas Dela Peña
Si GEROME NICOLAS DELA PEÑA ay kasalukuyang mag-aaral sa programang PhD Malikhaing Pagsulat sa ilalim ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ng Unibersidad ng Pilipinas – Diliman. Siya ay nagtapos ng Master ng Artes sa Filipinolohiya sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina at kursong BSED-Filipino sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasig kung saan siya naging Pangulo ng University Student Council at ng Samahan ng mga Mag-aaral sa Filipino (SamFil). Naisulat niya ang isang koleksiyon ng mga tula sa kaniyang panggraduwadong tesis. Siya ang creative director at host ng GM TV, isang online platform na nagsusulong ng pagbabasa at panitikan sa kasalukuyan. Siya ay guro ng Filipino at Panitikan sa Manila Tytana Colleges at Our Lady of Fatima University-Antipolo. Kasalukuyan siyang Ikalawang Pangulo sa Publikasyon ng KATAGA (Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas).
Nagwagi na siya ng iba’t ibang karangalan at gantimpala sa pagsulat sa larang ng wika at panitikang Filipino gaya ng Unang Karangalan sa Tagisan ng Makata ng SamFil, Unang Gantimpala sa Pagsulat ng Tula (TANAGA) mula sa Kilometer 64 Writers’ Collective, mga gantimpala sa pagsulat ng tula mula sa KAUSAP (Kapatirang Umuugnay sa Sining at Panitikan) at iba pa. Kinilala at pinarangalan din ng prestihiyosong Saranggola Blog Awards ang kaniyang mga tula at sanaysay (espesyal na kategorya) sa magkasunod na taong 2016 at 2017.
Siya ang may-akda ng mga aklat na Suóng: Mga Aporismo ng Paglusong at Pagsulong (2021), Brief Moments: Mga Sanaysay (2020), PM: Mga Tula (2019), Pedestrian at Iba Pang Mga Tula (2018), at Late-Later-Latest, Mga Hugot Kong Laptrip at Badtrip (2016). Siya rin ay co-editor at contributor ng Pusuan Mo: An Anthology of Literary Works for Millennials, Flight 143: Mga Tula ng Pag-ibig at Paglipad, at Stopover: Mga Tula ng Pagninilay at Paglalakbay. Bahagi ang kaniyang sanaysay sa Kalazine Journal ng UP KAL, Tomas Journal ng UST, Ani 41: Lakbay ng Cultural Center of the Philippines; mga tula at dagli sa mga antolohiyang Lakbay: Mga Tulang Lagalag, Buhawi: Unang Hagupit (parehong mula sa 7 Eyes Productions, OPC), at ng Tuwing Umuulan na inilathala ng Kataga-Manila. Noong Disyembre 2021 ay inilunsad ang kaniyang pinakabagong aklat ng tula na Birtuwal: Mga Bago at Piling Tula ng Komisyon sa Wikang Filipino sa ilalim ng KWF Publikasyon.
Nailathala naman ang kaniyang pananaliksik hinggil sa social media at politika sa Kult 3: Journal of Ibong Adorno-Institute for Social Research. Ang nasabing pananaliksik ay naipresenta sa isang pandaigdigang kumperensiyang pinangunahan ng Ateneo de Manila University at ng Center for Southeast Asian Studies ng Kyoto University, Japan. Ilan din sa kaniyang mga akda ay nailathala na sa Liwayway magazine at sa iba’t ibang mga antolohiya, modules, at textbooks sa buong bansa.
Naging fellow siya sa sa mga palihan sa malikhaing pagsulat gaya ng ika-2 Cavite Young Writers Workshop (2019), ika-1 Kaboronyogan Bikol Regional Creative Writing Workshop (2019), ika-6 na Angono National Writers Workshop (2018), at sa Palihang KATAGA (2017). Nagsilbi naman siyang guest lecturer at panelist sa ika-1 Budyong Mindoro Regional Writers’ Workshop sa San Jose, Occidental Mindoro. Patuloy siyang nagtuturo, naglalakbay, nagsasaliksik, at nagsusulat para sa panlipunang pagbabago.