Description
Nakakabusog ng diwa na mabasa ang bawat kuwento ng mga Nanay na nasa antolohiyang Pag-ahon: Kuwentong Buhay ng mga Nanay. Maiikli man ang bawat kuwento, siksik ang pagkakasalaysay upang makabuo ang mambabasa ng impresyon sa tinahan na landas ng bawat karaniwang babaeng may kanya-kanyang mga pamilya’t kanya-kanyang pagsubok. Malimit banggitin ang pangil ng kahirapan bilang inkarnasyon ng pagsubok sa kanilang buhay. nasa anyo man iyon ng pagtigol sa pag-aaral, paglisan ng tahanan para makipagsapalaran sa Maynila o sa labas ng bansa, o pagkakalubog sa utang. Sa kabila niyon, hayun sila, masipag na bumabangon sa madaling-araw para ihanda ang paninda sa palengke.
Hayun sila, nasasaksihan ang mga pagtataksil o kaya’y tumatanggap ng mga bigwas ng karahasan. Pero, heto na sila ngayon, mga matitikas na taong natutuhan ang halaga ng pag-asa, ng paniniwala sa sariling kakayahan, ng pagtitiwala sa tulong na kayang ibigay ng mga hiindi man kaano-ano’y katuwang at kabigkis nila para makaahon sa kanilang kahirapan at akayin ang sarili, at ibang mga katulad, tungo sa ginhawa.
Bawat kuwento’y may magkakatulad na nag-aabot ng kamay: ang ASHI. Ngunit, ang kahanga-hanga sa tunay na pagtulong ay sinasanay mismo ang tinutulungan upang masalat niya ang himaymay ng tahimik na kapangyarihan ng mga babaeng nagkakaisa. sa pagnenegosyo’s napaiikot hindi lang ang pera kundi ang enerhiya ng pagbibigayan. Isang selebrasyon ito sa hindi nauubos na kabutihan at katapatan ng mga may malasakit sa kapwa at pakikipagkapwa.
Tunay ngang may mga pag-ahon nakasasaya’t nakakapagpangiti.
– Luna Sicat Cleto
Only logged in customers who have purchased this product may leave a review.
Reviews
There are no reviews yet.