ANG SHASEI AT ANG PAGMAMAHAL NG MGA MAKATA SA HAIKU
Mula sa panayam ni Cris Santos kay Joevit Prado
Sa Sari Saring Tulang Tagalog (SSTT) Facebook group page unang nagsimula at nagkakilala ang mga manunulat na sina Joevit Prado at John Francis Alto. Nagsimula ang lahat noong pandemic (2020) kung saan ang lahat ay naghahanap ng mga bagay-bagay na puwedeng mapaglilipasan ng oras. Iyon rin ang panahon na mag-iisang taon nang inaaral nina Joevit ang haiku.
Pagkatapos ng dalawang taon, nabuo ng SSTT ang paglilimbag ng aklat na naglalaman ng haiku. Dito nila naisip ipangalan ang koleskyon sa Shasei, isang konsepto at pamamaraan ng dalubhasang si Masaoka Shiki, at nangangahulugang “a sketch from life” sa Ingles. Ang “sketch from life” ni Masaoka Shiki ay tamang nauugnay naman sa diwa ng haiku, ang “nangyayari ngayon, ngayong sandali,” o mga saglit na sandali na nakapalibot sa buhay ng tao.
Ang pamamaraan na itinatakda ng Shasei ay kung ano ang nangyari sa saglit na sandali ay iyon lamang ang dapat na ilagay sa haiku. Mula riyan, sa tulong ng imahinasyon ay iginuguhit ng isang manunulat ang isang buhay na nakapaloob sa isang odinaryong sandali gamit lamang ang mga salita. Karamihan sa mga tulang nasa aklat na ito ay dadalhin ang mambabasa sa mismong sandali na naranasan ito ng nagsulát.
Ngunit hindi ba luma o outdated ang pormang ito?
Para kay Joevit, bukod-tangi ang haiku sa lahat ng kung anumang porma ng tula mayroon tayo sa mundo.
“Lahat kasi ng tula sa mundo ay sinisikap ng isang manunulat na ang kanilang subject ay nagbibigay ng talinhaga ayon na rin sa maayos at tamang pagkabalangkas ng mga salita, na masasabi ko namang ito ang natural na approach ng isang manunulat sa bawat isa sa kanila,” aniya.
Isa man sa pinakamatandang porma ng pagtula ang haiku, nagbibigay ito ng resonance sa bawat tao na makababasa nito gamit ang konsepto ng saglit na sandali. Sa tamang pagbalangkas at tamang mga salita na ilalapat, ay nagbibigay ito ng nakamamanghang mga kaisipan na hindi dinaraan sa talinhaga.
Pagpapatuloy ni Joevit, “Kung i-approach natin ang haiku sa natural na pamamaraan ay hindi ito kailanman magiging haiku kahit sabihin pang nasunod nito ang 5-7-5 na sukat. Karagdagan pa, ang haiku kasi sa Pilipinas ay kulang na kulang sa impormasyon sa kung paano ito isinusulat. Layunin ng librong ito na ipakilala ang tamang pagsusulat ng haiku na ilang beses na rin naming napatunayan sa international level.”
Maiksi man kumpara sa ibang porma ng tula, hindi rin madaling isulat ang haiku, lalo na kung kakailanganing makapaglabas ng isang tula kada isang araw. Ito mismo ang pinakamahirap na parte ng pagbuo ng Shasei, sabi ni Joevit.
“Kailangan kong kausapin ang bawat isa kung aangkop ba ang ganitong atake o hindi o may salita pang aangkop para maitaas pa ang kalidad ng mga haiku nila. Kapag naman nag-resonate sa akin ang mga moment nila, na parang ako na rin ang nandoon sa mismong sandali, para na ring nakakain ako ng pagkaing kaytagal ko nang hindi natikman, nakinig sa kantang matagal ko nang hindi napakinggan, nadama ang haplos ni Ina na hindi ko na naramdaman, naamoy muli ang amoy ng krayola na huli kong nasamyoan noong grade 1 pa at makita ang mga katangian na magagawa pa ng isang subject na hindi makikita sa unang tingin mula sa lupa maging sa kalangitan.”
Hindi lamang mga salitang masarap pakinggan ang mababasa sa antolohiyang ito, kundi pati ang mga sandaling punung-puno ng emosyon at buhay.
Mabibili ang Shasei: A Sketch from Life sa 8letters Bookstore and Publishing.